LINGAYEN, PANGASINAN — Ang Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan, sa pamamagitan ng Pangasinan Salt Center, ay magbibigay ng 6,904 bags ng Agricultural Grade Salt Fertilizer (AGSF) sa Rehiyon III at MIMAROPA para sa pagpapatupad ng Coconut Fertilization Program ng Philippine Coconut Authority (PCA). Bilang aktibong tagasuporta ng PCA’s Coconut Planting and Replanting Program, nagpahayag ng buong-pusong suporta ang Gobernador ng Pangasinan na si Ramon V. Guico III sa mga programa’t proyekto ng pambansang pamahalaan.
Suporta sa Industriya ng Niyog
Isinasagawa ngayon ng PCA ang Coconut Planting and Replanting Program na naglalayong pasiglahin ang industriya ng niyog sa pamamagitan ng pagtatanim ng 100 milyon puno simula 2023 hanggang 2028. Ang sakahan ng asin na may lawak na 473 hektarya sa Zaragoza, Bolinao ay magbibigay ng asin na kailangan para sa mga lugar na tinukoy ng PCA para sa kanilang proyekto.
Ayon sa isang pagsuri ng PCA, laganap ang kakulangan sa chlorine sa mga taniman ng niyog, lalo na sa mga malalayong lugar. Tinatayang 40 lalawigan ang may seryosong kakulangan sa chlorine. Batay sa mga pag-aaral, ang paggamit ng sodium chloride (NaCl) o karaniwang asin bilang pataba ay epektibong paraan para mapataas ang produksyon ng niyog.
Pagkakaisa ng Pamahalaang Lokal at PCA
Sinabi ni Nicholi Jan Louie Q. Sison, manunulat ng resolusyon ng provincial board, “A partnership between the Philippine Coconut Authority and the Provincial Government of Pangasinan would help achieve the goal to help the coconut industry for the benefit of both small coconut and salt farmers.” Ang Pangasinan Salt Center, na pinangangasiwaan ngayon ng pamahalaang panlalawigan sa ilalim ni Gob. Guico, ay may suplay na higit pa sa 3,000 metric tons ng asin para matugunan ang pangangailangan ng lokal na gawaing agricultural-grade salt fertilizer para sa programa ng PCA.
Sa kanyang State of the Province Address (SOPA), ipinahayag ni Gob. Guico ang pagtugon nila sa hamon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos nang lagdaan niya ang Philippine Salt Industry Development Act o RA 11985. “We need to drastically reduce our dependency on imported salt and produce 100% of our consumption needs. We must even think of becoming a net exporter of salt in the future,” ayon kay Gov. Guico. Ipinapakita nito ang suporta ng probinsya sa iba pang inisyatibo ng pambansang pamahalaan.
Inaasahang pipirmahan ni Gov. Guico at PCA Administrator at CEO, Dr. Dexter R. Buted ang Memorandum of Understanding (MOU) para masiguro ang matagumpay na implementasyon ng mga proyekto na magsusulong sa kapakanan ng industriya ng niyog.
Credit: Ruby F. Rayat/PIMRO