Habang papalapit ang kapaskuhan, kasabay ng malamig na panahon, tumataas din ang presyo ng bangus sa Dagupan City—naka apekto rito ang mga dumaang bagyo at kakulangan sa suplay. Sa pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin, hindi lamang mga negosyante kundi pati ang mga ordinaryong mamimili ay lubos na apektado.
Ayon kay Danila Cayabyab, presidente ng Consignacion-Magsaysay Dagupan, ang pagbaba ng temperatura ay may direktang epekto sa paglaki ng bangus, na nagdudulot ng “slow growth.” Apektado ang produksyon, at inaasahang tataas ang presyo nito mula P170 hanggang P180 kada kilo sa mga susunod na linggo. Mula sa dating P150 hanggang P160, nagiging pabigat ito sa bulsa ng mamimili.
Hindi lamang malamig na panahon ang problema—ang mga nagdaang bagyo ay nagpahirap din sa pangingisda, ayon kay Jojo Ico, isang consignation operator sa Dagupan. Dahil dito, bumaba ang suplay ng bangus, mula sa dating 500 kilos na natatanggap ng mga tindero, naging 200 kilos na lamang ang nakakarating sa pamilihan.
Ngunit hindi bangus lamang ang nagtataas ng presyo. Tumaas din ang presyo ng galunggong sa Metro Manila at Dagupan. Mula P100 kada kilo, ngayon ay P180 hanggang P200 na ito sa Dagupan, at pumapalo pa sa P280 kada kilo sa ilang bahagi ng Metro Manila. Ito ay sa kabila ng pahayag ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na dapat ay nananatili lamang ang presyo sa P180 hanggang P200 kada kilo, ayon kay Chairman Rosendo So.
Habang sinusubukang bumalik sa normal ang panahon, ang mga mamimili tulad ni Fe Bernabe ay nag-iisip kung paano matutugunan ang mga pangangailangan. “Siyempre, kailangan natin ng isda, pero masakit na sa bulsa ang ganitong presyo. Kailangan maghanap ng paraan,” aniya.
Aminado ang Department of Trade and Industry (DTI) na wala silang kontrol sa presyo ng mga isda sa palengke maliban sa mga frozen at perishable goods. Samantala, patuloy na iniimbestigahan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang sitwasyon para alamin ang eksaktong dahilan ng biglaang pagtaas ng presyo.
Sa gitna ng lahat ng ito, hindi lang panahon ang may kasalanan—nagiging malinaw na ang mga kasalukuyang patakaran sa merkado at agrikultura ay kailangan ding pagtuunan ng pansin upang hindi palaging nagdurusa ang mga mamimili tuwing may krisis sa suplay.