Bayambang, Pangasinan – Hinarap ni Mayor Niña Jose-Quiambao, ang matinding pambabatikos matapos mag-post sa Facebook ng komento sa gitna ng malawakang brownout dulot ng Bagyong Kristine. Sa kanyang orihinal na post, nagbiro ang alkalde tungkol sa sitwasyon, sinasabing maaaring gawing “candlelight date” ang brownout: “Sa mga may brownout, pwede kayo mag-candlelight date ng asawa mo, pamilya mo, jowa mo, habang nagdi-dinner, ‘diba??? Kidding aside, konting pasensya po sa mga walang ilaw.” Agad namang umani ng kritisismo ang kanyang pahayag, at marami ang nagsabing tila hindi nararamdaman ng mayor ang tunay na hirap ng mga residenteng apektado ng bagyo at kawalan ng kuryente.
Bilang tugon sa patuloy na pambabatikos, mabilis na binura ni Mayor Quiambao ang nasabing post at naglabas ng mas seryosong pahayag upang tugunan ang mga hinaing ng publiko. Pinaalalahanan niya ang mga residente na aktibong nagtatrabaho ang Central Pangasinan Electric Cooperative (CENPELCO) nang “24/7” upang maibalik ang kuryente sa mga apektadong lugar. Binanggit din ni Quiambao ang mga pangangailangan ng mga pamilya, lalo na iyong may mga bagong silang o maliliit na bata, at hinikayat ang mga nangangailangan ng tulong na pansamantalang lumipat sa mga itinalagang evacuation centers.
Sa kanyang bagong pahayag, inihayag ng mayor ang kanyang malasakit at pangakong panatilihing updated ang komunidad sa sitwasyon ng power restoration, taliwas sa naunang pahayag na ikinaiinis ng marami. Sa pamamagitan ng mas maingat at sensitibong tono, ipinakita ni Quiambao ang kanyang pagpapahalaga sa kapakanan ng mga residente at ang kanyang dedikasyon na manatiling kasama nila sa pagharap sa mga hamon dulot ng bagyo.
Photos: Mayor Niña Jose-Quiambao Facebook Page