Sa nalalapit na Eleksyon 2025, tila magiging mainit na laban sa probinsya ng Pangasinan, dahil muling maghaharap ang incumbent governor na si Ramon Guico III at ang dating gobernador na si Amado Espino III. Ang kanilang muling paghaharap ay inaasahang magbibigay ng bagong kulay sa politika ng lalawigan, na kilala sa pagiging isa sa mga pinakamalaking electoral bases sa bansa, na may mahigit 2.1 milyong botante.
Noong 2022, nag wagi si Guico laban kay Espino nang lumamang ito ng mahigit 188,000 na boto, isang tagumpay na nagmarka ng pagbabago sa pamumuno ng Pangasinan. Ngayong taon, muling tatangkain ni Espino na agawin ang posisyon at muling magbalik bilang gobernador. Sa kanyang pag-file ng Certificate of Candidacy (COC) noong ika-5 ng Oktubre, 2024, kasama ang kanyang mga kaalyado sa Abante Pangasinan Ilocano (API) party, ipinahayag ni Espino ang kanyang determinasyon na ibalik ang serbisyong inaasam ng mga Pangasinense. “Sa tulong ng ating mga kababayan, hopefully manalo tayo,” ani Espino.
Samantala, muling inihain ni Guico ang kanyang COC noong ika-9 ng Oktubre, at nagpakita ng kanyang hangaring ipagpatuloy ang mga proyektong sinimulan sa unang termino, kabilang na ang Pangasinan Link Expressway (PLEX), isang P34-bilyong proyekto kasama ang San Miguel Holdings Corp. (SMHC). Layunin ng PLEX na magbigay ng mas mabilis at mas epektibong transportasyon sa loob ng lalawigan, na inaasahang magbabawas ng oras ng biyahe mula Binalonan patungong Lingayen mula 90 minuto hanggang 30 minuto.
Habang tumitindi ang laban sa pagka-gobernador, hindi lamang ito tungkol sa mga personalidad ng dalawang kandidato kundi pati na rin sa kinabukasan ng mga proyektong makakaapekto sa Pangasinan sa loob ng susunod na ilang taon. Sinimulan ni Guico ang ilang malalaking imprastruktura, tulad ng PLEX, na inaasahang makakaangat sa ekonomiya ng lalawigan, ngunit umaasa si Espino na muling mabibigyan ng pagkakataong maipagpatuloy ang kanyang dating mga proyekto.
Bukod sa posisyon ng gobernador, magkakaroon din ng matinding labanan sa iba pang mga posisyon. Mayroong 26 na aspirants para sa Provincial Board Member, habang 12 kandidato naman ang tatakbo para sa anim na congressional districts ng Pangasinan. Sa kabuuan ng Region 1, mahigit 113 kandidato ang nag-file ng kanilang COCs para sa provincial at congressional positions.
Habang pinaghahandaan ang eleksyon, muling nagpaalala ang COMELEC na bawal ang pre-mature campaigning, at ang opisyal na campaign period ay magsisimula pa lamang sa Marso 28, 2025, at magtatapos sa Mayo 10, 2025. Sa Mahal na Araw, partikular sa Abril 17 at 18, ipinagbabawal ang anumang uri ng pangangampanya.
Sa kabila ng inaasahang init ng laban, umaasa ang lahat na mananatiling mapayapa ang halalan sa Pangasinan—isang probinsyang may makasaysayang papel sa pulitika ng bansa. Ang resulta ng halalang ito ay may malaking epekto hindi lamang sa lokal na politika kundi pati na rin sa pangkalahatang pag-unlad ng buong rehiyon.
PHOTO CREDITS: PIA Pangasinan, Ramon Guico III