Ipapatupad muli ang curfew hours mula alas diyes ng gabi (10PM) hanggang alas kwatro (4AM) para sa mga menor de edad sa bayan ng Asingan. Ang hakbang na ito ay para mapanatili ang seguridad at kapayapaan, ayon sa mga lokal na opisyal.
Panig ng Magulang
Nagpahayag ng suporta si Analiza Agunias, isang day care teacher at ina ng dalawang menor de edad. “Para po sa akin kailangan po talaga natin ng ganun [checkpoint] as a mother. Yung anak ko na lalaki, fifteen years old, pagkatapos ng school umuuwi na po siya,” ani Agunias. Para sa mga aktibidad na late na natatapos, hindi niya pinapayagan ang kanyang mga anak na lumabas dahil sa peligro. Ang pagkakaroon ng mga checkpoint umano ay nakakatulong para makilala kung sino ang mga bagong taong pumapasok sa kanilang barangay.
Planong ng Lokal na Pamahalaan
Ayon kay Asingan Mayor Carlos Lopez Jr., ang implementasyon ng curfew ay napagkasunduan sa naganap na pagpupulong ng Municipal Peace and Order Council (MPOC) kasama ang mga Punong Barangay. “Kasi nowadays dire-direcho po yung disgrasya na nangyari,” sabi niya. Nakita nila na mas mainam na magkaroon ng kontrol sa pagpasok at paglabas ng mga kabataan tuwing gabi.
Pinagtutulungang Seguridad
Sinisikap din ng mga opisyal na palakasin ang seguridad sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng PNP at barangay officials. “Nagsasama sama po ang PNP at ang ating mga barangay officials in maintaining the peace and order,” ayon kay Police Major Katelyn May Awingan. Aniya, may upgrades na rin sa CCTVs at ongoing procurements kasunod ng pag-apruba sa karagdagang P250,000 para sa CCTV cameras, na ilalagay sa entry at exit points ng bayan.
Muling nagpaalala ang mga awtoridad sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak lalo na sa gabi, upang masigurong ligtas sila at hindi nasusuong sa anumang masamang elemento.
Photo Credit: Mel Aguilar, JC Aying /Asingan PIO